Lunes, Pebrero 4, 2013


BAHID
ni Christian Apolinario

Hindi ko malimutan ang araw na iyon. Ang araw na halos nagpabago ng takbo ng buhay ko. Pilitin ko mang iwaglit ng paulit-ulit ang pangyayaring iyon sa aking balintataw heto at bumabalik. “Hay naku! Eto nga ba ako? Ito nga ba ang dating ako?” Mas pinili ko pang gugulin ang aking oras sa may itaas ng burol. Dito malalanghap ko ang sariwang hangin. Makapagpapahinga ako sa lilim ng puno ng mga kawayan na nagsisilbi kong kanlungan sa tuwing ako ay makakaramdam ng pagkabagabag. At kung saan matatanaw ko ang buong kanayunan. Subalit kahit anong gawin kong paglilibang waring ako’y naglalakbay sa mundo ng kailaliman.
“Kumusta?” sambit ng isang malumanay na tinig.

Gusto kong magpatihulog sa burol ng marinig ko ang tinig na iyon. Nagitla ako. Nakaramdam ng pamamawis at panlalamig hindi dahil sa takot  kundi dahil sa maaaring kahinatnan ng aming muling pagtatagpo. “Anong ginagawa nya dito?” Tanong ko sa aking sarili. “Tatakbo ako, iiwanan ko s’ya. Di kami puwedeng mag-usap. Mababaliw ako! Mababaliw ako!” Mabilis na ang tibok ng aking puso at nanlalambot pati ang tuhod ko.

“May problema ba?’ muli niyang tanong sabay patong ng kanyang kanang kamay sa aking balikat. Dagli akong umiwas. Ni hindi ko man lamang s’ya nilingon. “Iniiwasan mo ba ako?”
Hindi ako makabuo ng tamang salita na dapat kong sambitin. Siguro oo. Maari ring hindi. Nalulungkot ako kapag hindi ko siya nakikita pero kinakabahan ako kapag nandiyan na s’ya. “God, tulungan nyo po ako. Ano bang dapat kong gawin hindi pa ko handa.”

Bumwelo siya bago muling nagsalita, “Isang linggo na lang ipapamalagi ko dito sa baryo nyo. Kung ayaw mo ko kausapin ngayon, naiintindihan ko. Pero sana bago ako umalis, please naman kahit sana sa huling araw ng pananatili ko dito sa inyo makasama kita.”

Tanaw ko sa gilid ng aking mga mata na hindi sya gumagalaw sa kinatatayuan niya at nadarama ko rin na nahihirapan s’ya. “Huwag kang mag-alala hindi ko pinagsisihan ang nangyari sa atin. Ibinigay ko ang aking sarili ng buong-buo sayo, kasi…… kasi, mahal kita!” Huli niyang pasabi bago niya ako tuluyang iniwan.
Nakaramdam ako ng panibugho sa sinabi niya, para akong nakukonsensya. Subalit sa kabilang dako ng aking pag-iisip nagawa niya din akong mapangiti.”Mahal daw niya ako. Totoo kaya yun?” Muli na namang nadagdagan ang palaisipan sa utak ko.

Madaling araw pa lang ay gising na ako na hindi ko naman nakasanayang gawin lalo na at bakasyon dahil magpapasko. Naligo ako, tiniyak na nahilod ko ang lahat ng dumi sa aking katawan. Makailang ulit rin akong nagsabon at nagbanlaw. Nagsuot rin ako ng magarang damit, nagwisik ng pabango na halos ipaligo ko na sa aking sarili. May katagalan ko ring sinipat-sipat ang aking itsura sa harap ng salamin. Ako ay magsisimba, ngayon ang simula ng simbang gabi pero ang totoong dahilan kaya gusto ko itong gawin ay ang pag-asam ko na Makita ko siya. Sa loob ng simbahan wala akong ginawa kundi ang luminga-linga, nagbabakasakaling makita ko siya sa isang sulok. Ngunit  natapos na lahat ang seremonya ng misa bigo akong makita s’ya.
Tatlong araw na ang nakalipas, hindi ko lubos maisip kung bakit hindi ko man lamang siya maaninaw sa buong nayon namin. “Baka naman umalis na s’ya, hindi maaari sabi niya isang linggo pa s’ya dito. May apat na araw pa siyang natitira. Sana nandito pa siya!” Sigaw ng isip ko.

Kinabukasan, inutusan ako ng aking Nanay na bumili ng gulay na ihahalok sa pananghalian. Dahil sa tingin ko ay medyo maaga pa naman naisip ko na maglakad-lakad muna sa tabi ng lawa hindi na ako nagsimba pa, wala namang nangyayari hindi ko pa rin s’ya nakita. Tahimik ang dalampasigan, maririnig mo lamang ay ang hampas ng alon sa batuhan. Sa di kalayuan may natanaw akong dalawang taong naglalaro sa may lilihan. Nang mapalapit ako sa kinaroroonan nila, laking gulat ko ng masipatan kong siya pala iyon. Masayang-masayang inaabutan ng bulaklak ng water lily ang kasama niya. Kitang-kita ng aking mga mata ang kanilang kurutan at lambingan. Napatingin s’ya sa akin, napatigil, at natahimik. Ginantihan ko s’ya ng ngiti at kinawayan sabay hakbang palayo sa kanilang kinaroroonan. Nang makasiguro ako na hindi na nila ako matatanaw tsaka ako kumaripas ng takbo patungo sa aming tahanan. Nagkulong ako buong maghapon sa aking silid at doon ibinuhos ang bigat ng aking kalooban. “Bakit sa ganoong pagkakataon ko pa siya nakita? Ayaw ko mang aminin, alam kong mahal ko siya….”

Ilang araw akong nagkulong sa aming bahay, parang preso kasi ayokong lumabas maliban na lang kapag nauutusan akong bumili sa may kalapit na tindahan. Niyayaya ako ng aking mga kaibigan na gumala agad ko silang tinatanggihan. Kung anu-anong dahilan ang sinasabi ko na kesyo masama pakiramdam ko o maraming ginagawa. Ang toto ay ayoko kasing makita s’ya na may kasamang iba. Pasado als otso ng gabi ng mahiga ako sa aking kama, naisip ko na bukas ay lilisanin na nya ang lugar namin. Di ko man lamang siya makikita, nalulungkot ako. Habang ako’y nagmumuni-muni narinig ko ang tawag ng aking ina, lumabas ako ng silid. Namilog ang aking mga mata ng matamurawan ko siya sa aming sala kasama si Nanay.

Tumayo ang aking ina, sinenyasan akong lumapit bago umalis. Naupo ako sa may tapat ng silyang kawayang kinauupuan niya. Katahimikan…… pareho kaming nagpapakiramdaman, gusto kong itanong kung anong sadya niya sa akin, ngunit di ko magawa. Naisip ko na baka nais lang niya na malaman ko na may mahal talaga siyang iba at hindi talaga ako ang mahal niya. Gusto kong batukan ang aking sarili sa isiping iyon, mas lalo kong pinapahirapan ang aking sarili.

Humugot siya ng malalim na buntong-hininga bago nagsalita. “Pinsan ko nga pala ang kasama ko ng makita mo kami sa may lawa. Susundan sana kita para kausapin kaya lang naisip ko na baka galit ka sakin.”

Parang gusto kong tumalon ng sabihin niya iyon pero hindi ako nagpahalata. “Puwede ba tayong mag-usap ng malayo dito sa inyo?” aya niya sa akin. Tumango lang ako. Wala akong lakas ng loob na tumanggi dahil inasam-asam ko rin naman na makasama siyang muli kahit sa huling pagkakataon. Ako ay nagpaalam sa aking Nanay at nangakong babalik bago maghatinggabi.

Tinungo naming ang burol, malamig ang bawat dampi ng hangin. Tanaw na tawaw ang aandap-andap na ilaw ng mga kabahayan. Sa simula ay nangangapa at nag-iipon ako ng sapat na lakas ng loob para magsalita. “Alam mo,” pasimula ko, ngunit pagkabigkas ko pa lang ng katagang iyon ay walang kimi kong naramdaman ang dampi ng kanyang halik sa aking labi. Sa una ay marahan lang, hanggang sa maging marahas at madiin. Nakipagsabayan ako. Hindi kami tumigil hanggat di kinakapos ang aming hininga. Naging malikot siya ganoon din ako. Sa isip ko, di na baling muling magkasala, tutal hindi naman ito ang unang pagkakataon na nangyari ang ganitong sitwasyon. Naalala ko ang una naming pagniniig, ang pangyayaring nagpabago sa pagtingin ko sa aking sarili. Hindi ko akalain na mangyayari iyon. Minu-minuto akong inuusig ng aking konsensiya, pakiramdam ko, nagkasala ako sa aking mga magulang, kaibigan, sa kanya at higit sa lahat sa aking sarili. Subalit sa ngayon ay wala akong lakas ng loob na pigilin ang aking nadarama. Ang nais ko ay makasama at madama ko siya, ang init niya na sumasalimbuyo sa init ko. Ang kamunduhan ay lalo pang sumidhi. Naglakbay kaming dalawa, hanggang sa pareho kaming bumulagta sa talahiban. Wala kaming pagsisising naramdaman.

“Handa na akong umalis, natupad ang nais kong makasama kita kahit sa huling araw ko dito. Sana magkita pa tayo, uulitin ko, wala akong pinagsisisihan ng ibigay ko ang aking sarili sa iyo. Ngayon lang din ako nakaramdam ng ganitong saya lalo na kapag kasama kita. Kahit maging mababa ang pagtingin ng iba sa aking pagkatao wala akong pakialaman. Ang mahalaga ay alam ko na minahal kita kahit sa sandaling panahon. Huwag kang mag-alala tanging tayo lamang dalawa ang makakaalam sa mga nangyaring ito. Pangako yan.” Mahaba-habang dayalogo niya, kaakibat ang senseridad sa mga katagang binitiwan.

“Binago mo ako. Hindi ito ang pagkakakilala ko sa sarili ko, subalit ng makilala kita bigla na lang nagbago ang lahat-lahat. Siguro, isa lang itong kapusukang wala sa panahon, na maaaring bumalik ang lahat sa normal kapag nagkahiwalay na tayo at din a magkita pa” Wika ko sa kanya. Inalis ko ang bracelet sa king kamay at isinuot ko sa kanya bago kami tuluyang nagpaalam sa isa’t-isa.

Sampung taon ang mabilis na lumipas, ngayon ay may sarili na akong pamilya. May asawa na at dalawang anak. Nakatira kami ngayon sa Maynila. Nagtatrabaho ako bilang isang call center agent at may sapat na kita. Walang sinumang nakatuklas ng aking nakaraan kahit na ang aking pamilya. Isinantabi ko ang pangyayaring iyon sa aking buhay. Sapagkat nang maghiwalay ang landas namin unti-unting bumalik sa normal ang lahat.

Lunchbreak, napagdesisyunan ko na sa pinakamalapit na fastfood chain na lang ako manananghalian. Habang umoorder ako ng aking pagkain may lumapit sa akin, iniabot sa akin ang isang maliit na papel, “Here is my calling card Carlo, call me whenever you need my company. Sana naalala mo pa ko. Kasi hindi kita nakalimutan. Aantayin kita” sabi nito bago lumabas ng kainan. Hindi ako puwedeng magkamali bracelet ko ang nakasuot sa may kamay niya.  Dahan-dahan kong inangat ang tarhetang ibinigay niya sa akin at binasa,”Paulo Montreal, 183 Blk. 8, Meralco Village, Taytay, Rizal.” May kung anong kaba akong nadama. Hindi. Hindi Puwede. Ayokong magkaroon muli ng kaugnayan sa kanya. Mali ito. Ayokong mabahirang muli ang pagkalalaki ko.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento